Matthew 22:23-33

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay

(Mar. 12:18-27; Luc. 20:27-40)

23Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 24Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya.
Deu. 25:5.
25Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. 26Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. 27At kinalaunan, namatay din ang babae. 28Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po ba sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil silang lahat ay napangasawa niya?” 29Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 30Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 31Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya, 32‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’
Exo. 3:6.
Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.”
33Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.

Copyright information for TglASD